Wala umanong nakikitang mali si Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio sa influx o pagbuhos ng mga Chinese workers sa bansa na sinasabing posibleng maging banta sa seguridad.
Sa ambush interview kay Carpio sa 2019 Legal Education Summit na ginanap sa Manila Hotel sinabi nitong hanggat may visa, work permit, nagbabayad ng buwis at sumusunod ang mga Chinese workers sa batas ng bansa ay hindi umano magiging banta sa seguridad ang mga ito.
Una rito sa press conference kaninang umaga, kinakalampag ni National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa pagdami ng mga Chinese sa Pilipinas.
Muling iginiit ni Esperon na “threat” at “security concern” ang malaking bilang ng mga Tsino sa bansa ngayon.
May mga Chinese aniya na darating sa Pilipinas bilang turista pero magiging trabahador pala dito sa bansa.
Ang iba raw sa mga ito ay undocumented pa.