-- Advertisements --

Hindi ikinatuwa ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagbuhay muli ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng pagbabalik sa mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program para sa high school.

Iginiit ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia ang posibilidad na maulit ang mga dating kaso ng karahasan at pagpatay sa ilang kadete na sumailalim sa mandatory program.

Nagbabala rin ito sa kung ano pa ang posibleng kahinatnan kapag isinabatas muli ang programa.

“Schools and universities should be safe spaces for children. Violence should never be condoned,” ani de Guia.

Ayon sa tagapagsalita ng CHR, mahalagang tutukan ang lahat ng aspeto sa isinusulong na pagbabalik sa programa lalo na’t mga kabataan ang kasali rito.

Kung maaalala, inaprubahan sa Kamara ang panukalang mandatory ROTC para sa senior high students noong nakaraang Kongreso. Pero hindi nito nagawang makalusot sa Senado.

Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), hinimok ng pangulo ang Kongreso na ipasa 18th Congress ang programa.

“We expect support for the legislative initiatives aimed at strengthening defense-related systems such as…the revival of the mandatory ROTC for grades 11 and 12. Very important,” ani Duterte.

“Itong mga bata ngayon, they are bereft of patriotism and the love of country. Balik sila dito. I think the military training will be good for everybody.”