Inanunsyo ni Iran’s Foreign Minister Abbas Araghchi na mananatiling “completely open” ang Strait of Hormuz, na isa sa pinakamahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan ng langis, hangga’t umiiral ang ceasefire sa Gitnang Silangan.
Sa isang post sa X (dating Twitter), sinabi ni Araghchi na ang daanan ng lahat ng komersyal na barko sa Strait of Hormuz ay nananatiling bukas para sa natitirang panahon ng tigil-putukan.
Gayunpaman, hindi malinaw kung ang tinutukoy niyang ceasefire ay ang 10-araw na kasunduan sa pagitan ng Lebanon at Israel o ang naunang dalawang linggong tigil-putukan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos na nagsimula noong Abril 8.
Bilang tugon, nagbigay ng positibong reaksyon si U.S. President Donald Trump sa anunsyo ng Iran at tinawag itong indikasyon ng pag-usad ng usapang pangkapayapaan.
Sa kanyang post sa Truth Social, sinabi niyang “THANK YOU!” at idinagdag na kinikilala ng Iran na ang makitid na daluyan ay “FULLY OPEN AND READY FOR FULL PASSAGE.”
Ngunit nilinaw din ni Trump na mananatiling epektibo ang naval blockade ng U.S. laban sa mga pantalan ng Iran hanggang sa ganap na matapos ang isang kasunduan sa pagitan ng dalawang panig.
Ayon kay Trump, “100% complete” lamang ang proseso kapag pinal na ang napag-usapan.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin ni Trump na ang isang kasunduan sa ceasefire sa Iran ay “very close,” kahit na ang mga naunang pag-uusap na pinangunahan ni U.S. Vice President JD Vance sa Pakistan ay hindi nagbigay ng magandang resulta.
















