-- Advertisements --

Hindi sang-ayon si Vice Pres. Leni Robredo sakaling payagan ng gobyerno na magbukas ang mga offshore gaming hubs para makalikom ng pondo sa naging epekto ng COVID-19 crisis.

“Unfortunate kasi bago pa nangyari itong sitwasyon natin ngayon, nagkaroon ng several discussions tungkol dito. Alam natin na maraming mga katiwalian, maraming mga—malaki iyong social cost sa atin dahil dito sa proliferation ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operations),” ani Robredo sa isang interview.

Nitong nakalipas na Biyernes nang arestuhin ng pulisya ang 44 na Chinese nationals at siyam na Pinoy sa Parañaque City matapos madiskubre ang kanilang iligal na POGO.

“Nakakagulat, kasi klaro na… klaro iyong mga activities na bawal. Pero sobrang daring ng mga taong ito. Na mayroong order iyong pamahalaan, sobrang daring nila na ginawa pa din nila kahit alam nilang labag sa batas.”

Una rito, inirekomenda ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap ang pagbabalik ng mga POGO para makalikom ng pondo.

Pero sagot ni VP Leni, hindi patas para sa mga Pilipinong pinagbabawalan ngayon na magbalik trabaho ang pagkonsidera sa mungkahi ng kongresista.

“Alam din natin that during the Senate hearing na napakaliit ng contribution ng POGO sa ekonomiya natin. If I am not mistaken, iyong computation nila ay 0.04% lang iyong contribution nito sa domestic economy.”

“Kung binabawalan natin iyong para sa mga Pilipino, bakit bibigyan sila ng, parang, privilege na magbukas kaagad? Na ang ginagawa pang rason dahil sila ang makakapagbigay sa atin ng perang gagastusin natin for the economy, na iyong ebidensya, hindi ganoon.”