-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Bahagi raw ng ipinatutupad na Sharia Law ng bagong naorganisang Islamic Emirate of Afghanistan ang ginawang pagbitay ng Taliban sa apat na lalaki sa crane sa Western City sa Herat.

Ito ang iniulat ni Bombo international correspondent Joel Tongal, ang hepe ng in-house security ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) sa Afghanistan.

Ayon sa kanya, i-dinisplay para sa public view ang mga bangkay matapos akusahang kidnappers at napatay sa nangyaring shootout.

Sinabi ni Tongal na ginawa umano ito ng Taliban sa iba’t ibang pampublikong lugar upang magsilbing leksiyon na ang kidnapping ay hindi tino-tolerate sa Afghanistan.

Inihayag nitong normal na ang mga report na krimen sa nasabing bansa na may kaugnayan sa pagnanakaw, robbery at pagpatay dahil din umano sa nangyayaring krisis.

Samantala, ayon kay Tongal noong nakaraang linggo ay nangyari ang serye ng mga pagsabog sa Afghanistan gamit ang high tech na magnetic improvised explosive device (IED) na kagagawan ng teroristang grupo na Islamic State Khorasan (ISIS-K).