NAGA CITY- Hindi pa maaaring madaanan ang kalsada sa Quezon Province lalo na ang patungong Calabarzon dahil sa pinsalang iniwan ni bagyong Ulysses.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Melchor Avenilla, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO)-Quezon, nabatid na nakapagtala ng mga pagbitak ng lupa at pagbaha sa ilang mga bayan sa nasabing lalawigan.
Dagdag pa nito, halos nasa 23,000 umano na mga indibidwal o nasa 1/4th lamang ng mga residente ang nailikas kaugnay ng naging pananalasa ng nasabing bagyo kumpara sa nagdaang Super Typhoon Rolly.
Ayon pa dito, inaasahan din na maaari pa itong madagdagan lalo na kung makapagpasa na rin ng mga datos ang ilang mga bayan sa nasabing lalawigan.
Samantala, sa kabila naman umano ng preemptive at forced evacuation na ipinatupad sa nasabing lalawigan, may mga pasaway pa rin umanong mga residente kung saan may mga kinailangan pang balikan ng mga rescuers sa kasagsagan ng pananalasa ni bagyong Ulysses.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Avenilla na bago pa man ang pagdaan ng nasabing bagyo ay tuloy-tuloy na ang pamamahagi ng mga relief goods sa mga residenteng labis na naapektuahan ng nasabing bagyo.
Sa ngayon, wala pa namang naitatalang casualty sa lalawigan ng Quezon.