-- Advertisements --

Hindi China kundi si dating DFA Sec. Albert del Rosario ang pinuna ni Senate Pres. Tito Sotto matapos itong harangin na pumasok sa Hong Kong nitong araw.

Ayon kay Sotto dapat nabatid na ni Del Rosario ang posibilidad na pagbawalan ng Hong Kong dahil sa protestang inihain nito sa International Criminal Court laban sa mga opisyal ng China.

Bukod dito, malinaw daw na special administrative region ng China ang Hong Kong at si Xi Jinping pa rin ang pangulo nito.

“We can’t just blame them by saying mali yung ginawa nila. We don’t have the right to say that.  Kanya- kanyang kultura yan e. Ang kultura nila is ganun e. Dinedemanda mo kami.”

“Ang messaging nun pumunta ka sa Singapore o sa Japan. Huwag kang pimunta sa China. May atraso ka sa China e. Ayaw nila e, yung ginawa mo ayaw nila. Bakit pupunta ka dun?”

Kinuwestyon din ni Sotto ang paggamit ni Del Rosario sa diplomatic passport nito gayong hindi na ito opisyal ng pamahalaan.

Giit ng Senate president, mga opisyal na lakad lang ng gobyerno ang dapat na ginagamitan ng diplomatic passport at hindi board meeting lang na dadaluhan sana ng dating cabinet official.

Sang-ayon din dito si Sen. Panfilo Lacson. Ayon sa kanya malinaw na ganti ito ng China sa nasabing kaso na inihain ni Del Rosario sa ICC.

“Kinakasuhan mo yung presidente natin tapos pupunta kayo dito? Ganun ang mentality nila.”

Pero kung si Sen. Risa Hontiveros daw ang tatanungin dapat umaksyon agad ang DFA sa sitwasyon na hinarap ng dating kalihim.

“Iniisa-isa na ba ng gobyernong Tsina ang lahat ng Pilipino na tumitindig at lumalaban para sa soberanya at teritoryo ng ating bansa? How long will this government stay silent and allow our nation, our fisherfolk, and now our respected civil servants, to be harassed?” ani Hontiveros.

Sa huli nanindigan si dating Ombudsman Conchita Carpio Morales na isang halimbawa ng bullying at harrassment ang ginawa ng Hong Kong authorities kay Del Rosario.

Kung maaalala, hinarang din noong nakaraang buwan si Morales sa Hong Kong International Airport, pero di kalaunan ay pinayagan ito ng mga opisyal na makapasok ng bansa.

Magkasama sina Del Rosario at Morales na naghain sa ICC ng reklamo laban sa China.