-- Advertisements --

Maaring i-endorso nalang ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kanyang kapalit sa susunod na administrasyon ang naka-ambang pagbili ng Department of National Defense (DND) ng anim na Offshore Patrol Vessels (OPV) para sa Philippine Navy.

Ayon kay Lorenzana nasa pinal na pag-uusap na ang DND sa bagong supplier ng mga barko at maaring maisa-pinal ang negosasyon sa loob ng nalalabing 2 buwan ng kasalukuyang administrasyon.

Pero magmumukha aniyang “midnight deal” kung siya ang pipirma sa kontrata, kaya mas mabuti na ipauubaya nalang ito sa susunod na administrasyon.

Ganoon din naman aniya ang nangyari sa pagbili ng dalawang frigates ng Phil. Navy, kung saan ang “leg-work” ay ginawa ng administrasyong Aquino, at ang Duterte administration ang nagsa-pinal ng kontrata.

Matatandaan na kinansela ng DND noong Marso ang unang plano na gawin ng Austal ng Australia ang naturang mga OPV sa kanilang shipyard sa Balamban, Cebu, at sa halip ay bibili nalang sa ibang supplier dahil sa isyu sa “budget”.

Sa kabilang dako, inihayag naman ni Sec. Lorenzana, nakatakda nang pirmahan ang kontrata para sa acquisition ng Corvette.

“Yung Corvette ayus na yata, we’ll be signing the contract,” wika ni Sec. Lorenzana.