LEGAZPI CITY- Pinag-uusapan na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Guinobatan sa Albay ang ipapatupad na long term solutions sa mga residente na karaniwang naaapektuhan tuwing nagkakaroon ng aktibidad ang Bulkang Mayon.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Legazpi kay Guinobatan Mayor Paul Chino Garcia, oras na matapos na ang recovery sa kasalukuyang kalamidad ay gagawing prayoridad ang housing projects.
Kinakailangan kasi aniya ang permanent housing para sa mga naninirahan sa loob ng 6km permanent danger zone upang hindi na magpapatupad ng paglikas tuwing nagkakaroon ng abnormalidad ang bulkan.
Pagbuyagyag ng alkalde na mayroon ng kasalukuyang pabahay subalit kulang pa ito ng nasa 600 housing units upang ma-cater ang lahat ng mga naaapektuhang pamilya.
Oras na maisakatuparan ang naturang plano ay hindi na aniya kinakailangan na manatili sa mga evacuation centers ng libo-libong mga residente.
Samantala, muli namang pinasalamatan ni Garcia si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa personal na pagpapaabot nito ng tulong sa mga lumikas na residente mula sa Barangay Maninila.