Hinimok ng isang kongresista ang pamahalaan na isailalim rin sa COVID-19 tests ang mga medical frontliners lalo pa at malaki ang kanilang tsanang mahawa sa naturang sakit.
Sinabi ni Agusan Del Sur Rep. Eddiebong Plaza na bukod sa personal protective equipment ay dapat na bigyan din ang mga medical frontliners ng COVID-19 test kits.
“Mabigyan sila ng test kit so that they themselves will now kung positive sila o hindi so that we can do the necessary action if they are positive dito sa ating mga frontliners,” giit ni Plaza sa Laging Handa briefing.
Una rito ay inaprubahan na ng Food and Drugs Administration ang COVID-19 test kits na ginawang University of the Philippines-National Institutes of Health.
Nabatid na ito ang unang locally made PCR based COVID-19 test kits na inaprubahan ng FDA.
Nauna na ring sinabi ni Sec. Carlito Galvez Jr., ang chief implementor ng National Action Plan sa COVID-19, na binabalak na rin ng pamahalaan na magsimulang magsagawa ng mass testing sa Abril 14, pero ang mapapasama lamang dito ay pawang mga PUIs at PUMs lamang.
Samantala, suportado naman ni Plaza ang apela ng mga kapwa niya kongresista na palawigin pa ang enhanced community quarantine sa Luzon upang sa gayon matiyak ang containment ng COVID-19.
Maari lamang kasi aniyang mapunta sa wala ang mga nagawa na ng pamahalaan sa oras na premature na alisin ang ECQ sa buong Luzon.