-- Advertisements --

Kalibo, Aklan–Nilinaw ni Malay Mayor Frolibar Bautista na ‘optional’ lamang ang pagkuha ng accident insurance ng mga turista papasok sa isla ng Boracay.

Ito ay matapos na umani ng mga negatibong reaksyon mula sa publiko ang ipinasang Administrative Order 444 ng Sangguniang Bayan.

Ayon sa alkalde, bukas ito sa lahat ng turista ngunit depende na umano sa accredited insurance company kung paano nila makumbinsi ang mga bisita na kumuha ng kanilang produkto.

Napag-alaman na kinakailangan ng mga turistang walang anumang insurance coverage na magbayad ng P100 sa Caticlan jetty port bago makapasok sa Boracay.

Ang layunin umano ng pagkakaroon ng insurance company ay para sa proteksyon ng mga turista kung sakaling may mangyari sa kanila lalo na’t maraming water sports activities sa isla.

Iginiit pa nito na may ilang turista na gustong kumuha ng accident insurance kaya kailangan na mayroong nakahandang kompaniya na sumagot sa kanilang pangangailangan.

Hindi umano sapilitan ang pagkuha nito dahil para lamang ito sa mga gustong magpa-insured.

Samantala, makikita rin mismo ang opisina ng naturang insurance company sa Caticlan Jetty Port.

Naging epektibo naman ang pagpapatupad ng Administratve Order noong araw ng Lunes, Nobyembre 28.

Sa kabilang daku, inihayag ni Elena Brugger, consultant ng PCCI Boracay na kailangan pa rin na paliwanag ang lokal na pamahalaan ng Malay kaugnay sa nasabing ordinansa dahil dagdag pasanin ito sa mga turista lalo na’t may financial crisis nga hinaharap ang bansa.

Aniya, ayusin muna nila ang garbage disposal, mga drainage system, health services at iba pa dahil unti-unti pa lamaang na bumabangon ang industriya ng turismo.

Paliwanag ni Brugger, ang accident insurance ay kasama sa kanilang requirements na kino-comply sa Department of Tourism (DoT) para makapag-operate ang kanilang negosyo sa isla kung kaya’t hindi makatarungan na magbayad pa ng accident insurance ang mga bisita.

Sa dami ng tourist destination sa bansa, baka hindi na nila pansinin ang Boracay dahil sa dagdag na bayarin dahil kamakailan lang tumaas sa P300 ang environmental fee papasok sa tanyag na isla.