MANILA – Sang-ayon si House Deputy Speaker Lito Atienza na imbestigahan ng Kamara ang ginawang pagbasura ng Department of National Defense (DND) sa kasunduan nila ng Univeristy of the Philippines (UP) ukol sa pagpasok ng uniformed personnel sa naturang paaralan.
Sa isang panayam sinabi ni Atienza, na representative ng Buhay Party-list, na may magandang naidulot naman sa mga estudyante ng unibersidad ang kasunduan na kilala sa tawag na “UP-DND Accord.”
“Magmula noong 1989, maganda naman ang naging behavior, actuation at galaw ng ating mga mag-aaral sa UP. So it has done good,” ayon sa kongresista, sa panayam ng DZBB.
Naniniwala ang mambabatas na may karapatang makialam ang mababang kapulungan sa kung bakit nag-desisyon sai Defense Sec. Delfin Lorenzana na ibasura ang kasunduan nang hindi nakakausap ang mga opisyal at hanay ng estudyante ng UP.
Dagdag pa ni Atienza, kung ang issue sa mga rebeldeng komunista lang ang basehan ng kalihim sa “unilateral abrogation” ng Accord, ay maaari naman itong madaan sa ibang hakbang.
“Any illegal act can be prosecuted and neutralized even without involving the whole student body,” dagdag ng kongresista.
Para sa mambabatas, imbis na pag-initan ang mga mag-aaral at ang unibersidad, dapat palakasin ng militar ang kanilang “intelligence-gathering network.”
Sa ganitong paraan daw, mas tiyak na maituturo ng mga opisyal kung sino ang nasa likod ng umano’y recruitment ng New People’s Army at hindi lang basta magtuturo ng mga indibidwal.