
Malugod na tinanggap ng Human rights group ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber na nagbasura sa apela ng Pilipinas laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa kontrobersiyal na war on drugs ng nagdaang Duterte administration.
Sinabi ni Human Rights Watch deputy Asia director Bryony Lau na ang pasya ng international court ay pagmarka ng susunod na hakbang tungo sa pagkamit ng hustisiya para sa mga biktima ng drug war.
Saad pa nito na dapat suportahan ng Pangulo ang kaniyang naging commitment para sa karapatang pantao at kampaniya laban sa impunity sa pamamagitan ng pagtupad sa international legal obligation nito
sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng korte.
Samantala, inihayag naman ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na nakahanda ang mga biktima at kanilang advocates na makipagtulungan sa ICC.
Sinabi din ng grupo na umaasa silang makakasuhan ang mga mastermind at administrators ng marahas at kriminal umano na polisiya ng gobyerno na kumitil sa libu-libong mahihirap na tao.
Binigyang diin naman ng human rights coalition na In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDefend) ang kanilang panawagan sa administrasyon ni PBBM na makipagtulungan sa ICC.
Sa kasagsagan ng drug war, nasa 6,200 suspek ang napatay sa police operations base sa records ng pamahalaan subalit ayon sa human rights group posibleng aabot sa 12,000 hanggang 30,000 ang actual death toll sa war on drugs sa bansa.
Una rito, sa isang open court hearing kahapon, July 18 sa the Netherlands, ibinasura ng ICC Appelas chamber ang apela ng gobyerno ng Pilipinas.
Una na ring sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na hindi na maaari pang umapela ang Pilipinas kapag nabasura ang appeal nito kung saan maaari ding kasuhan ng ICC ang ilang mga indibidwal na sangkot sa drug war killings kapag mayroong sapat na ebidensiya
Gayunpaman ilang mga opisyal ng Pilipinas kabilang si PBBM sa nagsabing hindi makikipagtulungan ang gobyerno sa ICC at iginiit na walang hurisdiksiyon ang tribunal sa bansa matapos na kumalas ang PH mula sa Rome Statute ng ICC sa ilalim noon ng administrasyon ni PRRD.










