LA UNION – Nahagip ng CCTV camera ang pag-atake sa hinihinalang holdaper sa courier ng isang online shopping delivery na Lazada sa San Fernando, La Union nitong Biyernes.

Kita sa footage ang paglapit ng dalawang suspek sa biktimang si Benn McClaude Madayag matapos nitong ihatid ang dineliver nyang order sa isang vulcanizing shop sa Brgy. Madayegdeg.

Bumaba ng motor ang isa sa mga suspek na may hawak na baril matapos makipag-agawan sa biktima.

Bigla naman daw may dumating na isa pang motorsiklo na tutulong sana sa biktima, pero agad kumaripas ng takbo ang mga sakay nito dahil sa bunuan ng holdaper at ng courier.

Mabilis na tumakas ang mga salarin ng mabaril ang biktima at maagaw a nasabing bag.

-- Advertisement --

Sa ngayon, ay palaisipan pa rin sa mga kawani ng San Fernando City Police ang pagkakakilalan ng mga hinihinalang holdaper na pumatay sa biktima.

Nagluluksa naman ang naulilang pamilya ni Madayag dahil sa pagkamatay nito.

Sa kwento ng kanyang ama na si Claudio Madayag, sinabi nito na batid din ng kanyang anak noong nabubuhay pa ito ang panganib ng pinasukang trabaho dahil sa mga naibabalitang pangho-holdap sa mga kapwa niya courier at kolektor.

Umaasa naman si Mang Claudio na makakamit nilang ang inaasam na katarungan para sa pagkamatay ng kanilang anak.

“Malutas sana ang kasong ito. Dahil ang mga kasamahan sa trabaho ng anak ko ay natatakot na rin maghanapbuhay, dahil sa mga ganyang nangyayari sa ating lugar. Hinihiling ko na malutas sana ang kasong ito ng anak ko para mahuli ang mga may masasama ang loob upang hindi na ito maulit sa iba,” wika ni Claudio.