Muling ipinagpaliban ng isang linggo ang pagpapatupad ng ban sa e-bikes, e-trikes at iba pang light vehicles sa pagbiyahe sa pangunahing kakalsadahan sa Metro Manila.
Ito ay matapos ianunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi pa rin maaaring isyuhan ng mga enforcer ng traffic violations ang mga lumabag o iimpound ang light e-vehicles ngayong linggo.
Nakatakda na sanang simulan ng MMDA enforcers ang striktong pagpapatupad ng polisiya matapos magpaso ang ibinigay na grace period ni PBBM noong Mayo 18.
Sa kabila nito, binigyang diin ni MMDA chairman Don Artes na pinagbabawalan pa ring dumaan ang naturang light vehicles sa major roads.
Sinabi din ng MMDA official na kanilang gagamitin ang 1 linggong extension sa information drive sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.