-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Civil Service Commission (CSC) na hindi dapat mag-post ng Tiktok videos ang mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI) habang suot ang kanilang mga uniporme.

Sinabi ni CSC Commissioner Atty. Aileen Lizada na bawal ang mga ganitong gawain. Maaari raw na kasuhan ang mga empleyado na lumalabag sa rules and regulations ng kani-kanilang mga opisina.

Malinaw aniya na paglabag ito sa Reasonable Office Rules and Regulations.

Pinag-iingat naman ni Lizada ang mga empleyado ng gobyerno na mahilig mag-post at mag-share ng kanilang mga Tiktok videos sa social media dahil hindi raw ito parte ng kanilang job description.

Una nang sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na ang pagpo-post ng mga videos sa Tiktok ay tila nakakabastos umano sa integridad ng uniporme ng ahensya.

Nilalabag din daw nito ang prohibition sa paggamit ng mobile phones at iba pang uri ng gadgets habang naka-duty, gayundin ang social media policy ng BI.

Nagpaalala rin ito sa mga empleyado ng immigration na palaging obserbahan ang proper decorum sa social media para protektahan ang integridad ng ahensya.