-- Advertisements --

Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang batas na nagbabawal sa mga mag-aaral na gumamit ng kanilang cellphone sa oras ng klase sa paaralan.

Sa ilalim ng House Bill 3404, iminungkahi ng may-akda na si Albay Rep. Joey Salceda na magkaroon ng device depository office ang mga eskwelahan na siyang pag-iiwanan ng gadget ng mga estudyante.

Papayagan lang daw ang mga ito na makagamit ng cellphone sa oras ng emergency o kung kakailanganin sa klase.

Ani Salceda malaking distraction at disruption pa rin sa pag-aaral ang gadgets kahit pa magandang produkto ito ng teknolohiya.

Batay sa 2019 report ng Hootsuite at We Are Social, natukoy na higit 10 oras ang ginugugol ng mga Pilipino kada araw sa internet.