GENERAL SANTOS CITY – Lalo pang hinigpitan ng Sarangani Province PNP ang entry point na iligal na pinapasukan ng mga Indonesian nationals.

Kanilang na-monitor na marami nang Indonesian nationals na nakapasok sa bansa matapos dumaan sa “backdoor” sa bayan ng Glan.

Una rito, natuklasan ni Comelec R-XII Director Atty. Michael Abas na ang ilan sa mga nakapasok na Indonesian sa Sarangani at Balut Island ay naging 4P’s beneficiary at nakaboto rin sa eleksyon.

Gayunman, sinabi sa Bombo Radyo GenSan ni Lt. Col. Teody Condesa, tagapagsalita ng Sarangani Police Provincial Office, na mas hinigpitan pa nila ang ginagawang monitoring lalo na sa baybaying bahagi ng nabanggit na bayan.

Katuwang daw nila rito ang iba pang police units at network para kaagad na maireport sa mga kinauukulang ahensya sa gobyerno at magagawan kaagad ng aksyon.