CEBU CITY -Matapos ang matagumpay na unang linggo ng pagdiriwang ng ika-453rd founding anniversary ng Lalawigan ng Cebu, iba’t ibang mga aktibidad pa ang nakahanda na dapat abangan ng lahat.
Kabilang na dito ang muling pagbabalik ng dancing inmates ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) na nakatakdang isagawa ngayong Biyernes, Agosto 12.
Sa araw ding iyon ang pagturn over ng passbook sa mga inmates na naglalayong magagamit ng mga ito sa pagsisimula ng panibagong buhay kapag nakalabas na sa kulungan.
Matatandaan na unang nagkamit ng international audience ang mga inmates ng CPDRC matapos nilang itanghal ang “Thriller” ng yumaong pop superstar na si Michael Jackson noong 2007.
Maliban dito, may isasagawa naman na international and local job fair sa darating na Linggo habang sa darating naman na Agosto 28 ay ang muling pagbabalik ng Pasigarbo sa Sugbo o ang festival of festivals na lalahukan naman ng hindi bababa sa 50 contingents.
Malaki pa ang maging impact nito sa ekonomiya ng Cebu dahil hindi lamang ito magbibigay ng libangan kundi nagsusulong din ito ng kultura ng lalawigan. Nagbibigay din ito ng kabuhayan sa maraming sektor tulad ng mga artista, designer at choreographers.