BAGUIO CITY – Naaalarma ngayon ang Provincial Veterinary Office ng Benguet dahil sa pagbabalik ng kaso ng African Swine Fever (ASF) sa probinsia na sinasabayan pa ng problema sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Provincial Vet Dr. Miriam Tiongan, aabot sa 30 baboy ang namatay dahil sa ASF sa mga bayan ng Itogon at La Trinidad.
Boluntaryo aniyang ini-report ng mga hog raisers sa Tuding, Itogon at sa mga barangay ng Bahong at Wangal sa La Trinidad ang pagkamatay ng kanilang mga alagang baboy.
Aniya, nadiskubre ng mga provincial veterinarians na nagsawaga ng rapid test na positibo sa ASF ang mga namatay na baboy.
Dahil dito, sinabi ni Tiongan na maikokonsiderang nakaka-alarma ang nasabing pagbabalik ng ASF sa lalawigan dahil posibleng maaapektuhan muli ang swine production at food security ng Benguet.
Dinagdag niya nba iniimbestigahan na ng mga otoridad kung bakit bumalik ang nasabing sakit ng mga baboy sa lalawigan ng Benguet.