-- Advertisements --
image 275

Binigyang-diin ng mga hog industry at agriculture groups na kinakailangang agad na mabakunahan ang mga baboysa bansa.

Ito ay upang tuluyan nang mawakasan ang mga kaso ng African swine fever na nakakaapekto sa mga kabuhayan ng mga magbababoy sa Pilipinas at supply ng karne ng baboy sa bansa.

Ang naturang pahayag ng mga agri groups ay ginawa kasunod ng pasya ng House of Representatives Committee on Appropriations na maglaan ng Php1.5 billion na halaga para sa pagpapabakuna ng mga baboy na solusyon sa naturang problema.

Ayon Pork Producers Federation of the Philippines chairman, Congressman Nick Briones, ito na ang pinakamaiging solusyon laban sa nasabing suliranin.

Habang sa bukod na pahayag naman ay sinabi ni Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. president Danilo Fausto na sa oras na mapatunayan na ang bisa ng ASF vaccine ng Vietnam ay dapat na itong ibigay ng gobyerno sa mga backyard raisers bilang tulong na rin sa muling pagbuhay sa industriya ng pagbababoy.

Hindi kasi aniya tiyak ang na magiging sapat ang pondong Php1.5 billion ngunit maaari aniya itong magamit para sa pump priming habang hinihintay ang bakunang magmumula sa Vietnam.

Samantala, sa kabila nito ay nilinaw naman ni Agriculture Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Sevillano na hangga’t hindi pa napapatunayang epektibo ang isang bakuna para tugunan ang problema sa ASF ay mananatiling nakasentro sa biosecurity protocol ang DA upang mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit sa baboy.

Kung maaalala, bago pa man tumama ang ASF sa Pilipinas noong 2019, tinatayang nasa 13 milyong ulo ang populasyon ng baboy sa bansa.