-- Advertisements --

Naniniwala umano si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na ang tanging sagot lamang sa umano’y lumalalang korapsyon sa loob ng BI ay ang pagkakaroon ng bagong immigration law.

Ayon kay Morente, may mga loopholes daw sa umiiral na immigration law sa bansa na noong 1940 pa ipinatupad. Hindi aniya ito masosolusyonan ng agarang pagsibak sa mga tiwaling opisyal.

Kahit daw kasi magtanggal nang magtanggal ng opisyal sa BI ay mananatili pa rin ang loopholes sa batas.

Sa pamamagitan ng bagong batas ay matutugunan na ang problema sa sahod, systemic issues, at pag-update sa mga parusa na maaaring harapin ng mga empleyad ng ahensya na mapapatunayang sangkot sa tiwaling gawain.

Paliwanag pa ni Morente na ipinatupad ang 80-year-old immigration legislation noong mga panahon na wala pang international flights papasok at palabas ng Pilipinas kung kaya’t karamihan sa mga probisyon nito ay “oudated” at “inappropriate.”

Halos 90 immigration officers at officials na ang kasalukuyang humaharap sa kasong kriminal dahil sa tinaguriang “pastillas scheme” kung saan may ilang airport immigration personnel ang di-umano’y pumapayag na iligal na nakapasok sa Pilipinas ang mga Chinese nationals kahit hindi dumadaan ang mga ito sa maayos na immigration procedures.

Dagdag pa ni MOrente, ito ang unang parte ng kaniyang three-tier approach para resolbahin ang korapsyon sa BI. Ang medium-term solution aniya ay sa pamamagitan ng pag-reorganize sa sistema.

Habang ang “real and long-term solution” umano ay ang pag-update sa Philippine Immigration Act.

Sa kabilang banda ay nagpasalamat pa rin ito sa ipinapakitang suporta ng mga mambabatas sa ginagawang hakbang ng BI upani i-modernize ang ahensya.