Wala pang desisyon ang pamahalaan kung papanatilihin o i-downgrade ang Alert Level 4 restrictions sa Metro manila, ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya.
Ayon kay Malaya, sinabi ng Department of Health (DOH) sa kanilang pulong noong Setyembre 27 na ang implementasyon ng alert level system sa National Capital Region (NCR) sa loob ng isang linggo ay masyadong maiksi para makagawa ng “difinitive assessment” sa sitwasyon.
Base sa paliwanag ng DOH, sinabi ni Malaya na ang buong NCR ay nananatili pa ring high risk kahit pa ang ilan sa mga lugar sa rehiyon ay nasa moderate risks.
Ito aniya ang dahilan kung bakit nais ngayon ng DOH na humingi ng karagdagang panahon para mapagdesisyunan naman ang tungkol sa magiging alert level sa Metro Manila.
Iginiit ni Malaya na ang DOH ang siyang may awtoridad para desisyunan kung sa anong alert level dapat na ilagay ang Metro Manila kahit pa ang COVID-19 reproduction rate sa rehiyon ay nasa .94 na lamang mula sa dating 1.16 habang ang positive rate naman ay nasa 19 percent.