Naniniwala si House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ang isinusulong na Charter Change ang dahilan kaya malaki ang ibinaba ng trust and performance ratings ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr base sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Sinabi ni Rep. Castro, pinapatibay nito ang katotohanan na kontra ang nakararaming Pilipino na amyendahan ang Konstitusyon base din sa hiwalay na survey ng Pulse Asia.
Binigyang-diin ni Castro, na sa oras na aprubahan na rin ng Senado ang panukalang Cha-Cha ay siguradong baba din ang trust at perforamce ratings ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ngayon ay tumaas ng 2 porsyento base sa latest survey.
Dahil dito, hinikayat ni Castro ang administrasyon ni Pangulong Marcos na ibasura at huwag ng pag-aksayahan pa ng panahon at resources ang panukalang pagreporma sa saligang batas.
Dagdag pa ng Makabayan lawmaker na mas mainam na tutukan kung ano tunay na mga pangangailangan ng mamamayan Pilipino at hindi ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.