-- Advertisements --

yamsuan2 2

Hindi makatarungan ang pagbaba ng rice imports tariffs sa gitna ng harvest season dahil magreresulta ito ng negatibong epekto sa mga maliliit na magsasaka.

Ayon kay Bicol Saro Party List Rep. Brian Raymund Yamsuan, hindi man siya expert sa economics subalit common sense na lamang dahil kapag buhos ang imported na bigas sa merkado lalong bababa ang farmgate prices.

Kawawa ang mga magsasaka dahil nasa kalagitnaan ito ngayon ng harvest season.

Binigyang-diin ni Yamsuan na ang band-aid solution sa pagbaba sa taripa ng bigas ay isang matinding kalupitan sa mga magsasaka.

Kaya sabi ni Yamsuan tama lamang ang naging desisyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na tanggihan ang panukala ang pansamantalang bawasan ang taripa sa imported ng bigas dahil malaki ang maitutulong nito sa mga maliliit na magsasaka.

Punto ng mambabatas na batid niya ang kagustuhan ng gobyerno na mapababa ang presyo ng bigas, subalit hindi ito dapat gawin sa kapinsalaan ng 2.4 milyong magsasaka ng palay sa bansa, na inaasahang mag-aani ng mahigit 5 ​​milyong metrikong tonelada ng palay sa peak months ng Setyembre at Oktubre.

“Tama ang naging desisyon ng ating Pangulo. Napakadaling sabihin na ibaba ang taripa sa bigas para pumasok ang maraming imports at bumaba ang presyo nito sa merkado. Pero sino naman ang lugi? ‘Ang mga magsasaka natin na naghirap magtanim pero wala rin naman palang kikitain ang magdurusa,” pahayag ni Yamsuan.

Ipinunto din ni Yamsuan na kung bababa ang taripa sa panahon ng masaganang ani, iisipin ng mga magsasaka na bakit pa sila magpapakahirap kung ito naman ay magdudulot ng financial suicide sa kanila.

Giit ng Party List solon kailangan makita ng mga magsasaka ang tamang patakaran ng pamahalaan at maramdaman ng mga ito ang pagmamalasakit para patuloy silang magtanim.