-- Advertisements --

Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng matinding pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon dahil sa patuloy na epekto ng Southwest Monsoon o Habagat na makakaapekto hanggang Miyerkules, Agosto 12.

Sa Weather Advisory na inilabas ng ahensya pasado alas-5 ng hapon nitong Linggo, Agosto 9, sinabi ng PAGASA na maaaring lumampas sa 200 millimeters ang ulan sa Benguet mula Linggo hanggang Lunes ng hapon.

Inaasahan naman ang 100 hanggang 200 millimeters na buhos na ulan sa Ilocos Sur, La Union, Zambales, Bataan, Metro Manila, Rizal, Cavite, at Occidental Mindoro.

Samantala, 50 hanggang 100 millimeters na ulan ang maaaring maranasan sa Ilocos Norte, Abra, Pangasinan, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Batangas, Laguna, Oriental Mindoro, at Antique.

Mula Lunes ng hapon hanggang Martes, inaasahan ang 100 hanggang 200 millimeters na buhos ng ulan sa La Union, Benguet, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.

Mula Martes ng hapon hanggang Miyerkules, 100 hanggang 200 millimeters naman ang posibleng bumuhos na ulan sa Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro, habang 50 hanggang 100 millimeters ang inaasahan sa La Union, Ilocos Sur, Pangasinan, Benguet, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Cavite, at Batangas.

Samantala, makulimlim na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang inaasahan sa Negros Island Region at iba pang bahagi ng Western Visayas at Luzon.

Sa Batanes, posible rin ang mga pag-ulan at thunderstorms dahil sa trough o extensions ng Tropical Cyclone Dolphin.

Samantala, isang tropical storm na may international name na Peilu, dating LPA 08c, ang binabantayan ng PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR.

Tinatayang nasa 2,200 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon ang bagyo, taglay ang lakas ng hanging 65 kilometro kada oras at pagbugso hanggang 85 kilometro kada oras habang kumikilos silangan-timog-silangan sa bilis na 25 km/h.