DAGUPAN CITY — Aasahan pa rin ang malalakas na mga pag-ulan sa lalawigan ng Pangasinan kahit papalabas na ang Tropical Storm “Dodong” sa Philippine Area of Responsibility.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jose Estrada, Chief Meteorological Officer ng PAGASA-Dagupan, sinabi nito na bagamat palabas na ang bagyo sa bansa, malaki pa rin ang epekto nito sa kalupaan ng Northern Luzon, kabilang na nga ang lalawigan ng Pangasinan.
Aniya na magdadala pa rin ng epekto ang Habagat sa malaking bahagi ng lalawigan kahit na nakababa na ang Tropical Cyclone Wind Signal sa mga Hilagang bahagi ng Pangasinan.
Dagdag pa ni Estrada na maaaring hanggang buwan pa ng Oktubre mararanasan sa lalawigan ang epekto ng Habagat na magdadala ng mga malalakas hanggang sa napakalakas na mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan, partikular na sa western section ng lalawigan.
Habang mahina hanggang sa katamtaman na pag-ulan naman ang iiral sa mga central at eastern parts ng lalawigan.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang pagbabantay ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Dagupan, partikular na ang mga disaster at emergency response teams sa maaaring maging epekto ng Bagyong Dodong habang ito ay patuloy na kumikilos palabas ng Philippine Area of Responsibility.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez na nakatutok ang kanilang hanay sa mga low-lying areas na madaling bahain lalo na sa panahon ng malalakas o tuloy-tuloy na pag-uulan.
Kasama na nga rito ang pagdedeploy ng mga kawani upang rumesponde sa mga apektadong lugar ng baha na umaabot sa 70-100 millimeters.
Kaugnay nito nananatili namang nakaalerto ang mga tanggapan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Public Alert Response and Monitoring Center (PARMC), Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Public Order and Safety Office (POSO), at Maritime Police Station na nakaantabay sa kalagayan at sitwasyon ng lungsod hangga’t hindi pa tuluyang nakakalabas ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong “Dodong”.