Wala umanong pahintulot mula kay US President Donald Trump ang pagpapa-uwi sa Estados Unidos sa 14 na American nationals na nag-positibo sa COVID-19.
Ito ay matapos magpadala ng US government ng dalawang eroplano sa Japan upang ilikas ang nasa 300 Amerikanong pasahero ng Diamond Princess cruise ship.
Huli na nang malaman ng mga ito na positibo ang 14 na Amerikano mula sa naturang sakit.
Nagdesisyon umano ang US State Department na hayaang makauwi ang mga ito at inilagay na lamang sila sa isang isolated area upang hindi na makahawa pa sa ibang pasahero ng eroplano.
Hindi raw ikinatuwa ni Trump ang naging desisyon ng US State Department dahil posible raw na masira ang paraan ng kaniyang administrasyon sa paghawak ng lumalalang kaso ng coronavirus.
Una nang pumayag si Trump na pansamantalang manatili sa Japan ang sinoman na makikitaan ng sintomas ng COVID-19 hanggang sa tuluyan silang gumaling.
Dahil dito ay patuloy ang pangamba ni Trump na baka maging negatibo ang epekto nito sa kaniyang muling pagtakbo bilang presidente ng Amerika.