-- Advertisements --

Napagkasunduan daw ng Department of Transportation (DoTr) at Chinese Embassy dito sa Manila na muling buksan ang negosasyon sa mga major transportation projects sa bansa.

Una rito, nagkaroon na ng pagpupulong sina Transport Secretary Jaime Bautista at Chinese Ambassador Huang Xilian noong Huwebes.

Base sa Facebook post ng DoTr, pinag-usapan daw ng dalawang opisyal ang muling pagbubukas sa negosasyon para sa major China-funded railway projects gaya ng PNR South Long Haul Project (North-South Commuter Railway), Subic-Clark Railway at Mindanao Railway.

Kung maalala, sinabi noon ni Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chavez na hindi raw inaksiyunan ng Chinese government ang request ng Duterte administration sa loan financing para sa major railway projects.

Kaya naman maikokonsidera na itong ibinasura kayat kailangan ulit na makikpagnegosasyon ang pamahalaan.

Inaprubahan noon ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board ang tatlong railway projects na popondohan ng official development assistance (ODA) loans mula sa bansang China.

Pero ang negosasyon na nagsimula noong 2018 ay hindi raw naging matagumpay dahil hindi na inaksiyunan ng China ang request ng Pilipinas.

Dahil dito, agad naman umanong ipinag-utos ng Pangulong Bongbong Marcos na muling makipag-negotiate sa loan agreements para sa mga railway projects.