-- Advertisements --

LAOAG CITY – Ipinaliwanag ni Engr. Cyntha Iglesia ng PAGASA-DOST (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration-Department of Science and Technology) sa lungsod, na cumulonimbus clouds o thunderclouds ang dahilan kung bakit umulan ng yelo sa bayan ng Solsona kahapon.

Una rito, namangha ang mga residente sa Solsona dahil sa pag-ulan ng malalaking yelo na parang ice cube na dahilan kung bakit nasira ang bubungan ng isang bahay.

Sinabi ni Kagawad Danny Domingo sa Barangay Laureta sa naturang bayan na tumagal ng 20 minuto ang pag-ulan ng yelo.

Nasa barangay hall aniya sila nang umulan ng yelo kaya nanatili muna roon at inobserba kung may mga masisira dahil sa lakas ng bagsak sa mga bubungan.

Hinihintay umano nila ang report ng mga residente sa kanilang lugar para ipaalam sa kanila kung mayroong nasira matapos ang ulan.

Samantala, sinabi ni Iglesia na malaiban sa pag-ulan ng yelo ay posible pang maranasan ang tornado, kidlat at malakas na buhos ng ulan, na nangyayari sa mga malapit sa bundok.

Inihayag nito na kung mayroong thunderclouds ang isang lugar ay dapat sumilong ang mga tao dahil malaki ang tiyansa na umulan ng yelo.

Epekto na rin aniya ito ng climate change dahil sa mga nagdaang taon ay hindi ito nangyayari sa lalawigan.