Nakatakdang isumite ngayong linggo ng Department of Justice (DoJ) sa Malacañang ang resulta ng pag-aaral nito sa implikasyon ng posibleng pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Una nang inatasan ng Palasyo ang DoJ na magsagawa ng preliminary impact assessment kapag ipinawalang bisa ang VFA.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ipauubaya nila kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isusumite nilang impact assessment ngayong linggo.
Kasama sa pinag-aaralan ng DoJ ang legal prosedure sa pagbasura sa kasunduan at ang epekto nito sa enhanced defense coopetion.
Maalalang nagbanta noon ang Pangulo na ibabasura ang VFA dahil na rin sa pag-ban ng US kay Sen. Ronald dela Rosa na pumasok sa kanilang bansa.
Si Dela Rosa ay isa sa mga nasa listahan ng US na sangkot sa pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima na nais ng Estados Unidos na palayain na ng pamahalaan.