KALIBO, Aklan – Inaasahang mapapabilis na ang pagpapalabas ng resulta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) test sa oras na magamit na ang GeneExpert machine.
Ayon kay Aklan Governor Florencio Miraflores, sa pamamagitan nito ay agad na ma-test ang specimen samples at hindi na kailangang ibiyahe sa laboratoryo sa lungsod ng Iloilo.
Ang dalawang makina ng GeneExpert ay ibinigay umano ng Philippine Business for Social Progress para sa mabilis na on-site results ng coronavirus infection.
Ang makina ay kasinglaki lamang ng isang inkjet printer at kasalukuyang nakalagay sa Social Hygiene Clinic ng Aklan Provincial Hospital.
Dagdag pa ng gobernador humihingi na sila ng clearance mula sa Department of Health (DoH) para sa pagsasagawa ng in-house laboratory testing at agad na matutukoy ang strain ng coronavirus sa loob lamang ng ilang oras.
Ang makina ay maari din na makatukoy ng sakit na tuberculosis.
Kadalasang tumatagal ng pito hanggang walong araw bago maipalabas ang 8 test results ng Western Visayas Medical Center (WVMC) dahil sa backlog.
Sa oras na makapag-operate, agad na malalaman kung sino ang mga tinamaan ng sakit upang mabigyan agad ng kaukulang lunas ng mga klinika at ospital sa Aklan.










