-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinagpapaliwanag ni Legazpi City Mayor Noel Rosal ang manager ng Pag-IBIG office sa lungsod sa biglang paglobo ng kaso ng nagpositibo sa COVID-19 sa ahensya.

Ngayong araw lamang, 10 sa mga empleyado sa naturang opisina at tatlong close contacts ang nagpositibo.

Sinabi ni Mayor Rosal sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ikinaalarma nito ang mga bagong kaso kaya sumulat sa pamunuan ng Pag-IBIG upang malinawan kung nagkaroon ng kapabayaan.

May mga lumalabas kasing impormasyon na may sintomas na ang ibang empleyado subalit pumasok pa sa trabaho.

Dagdag pa ni Rosal, nalaman lamang ito ng makatanggap ng text message na may mga sintomas ang ilang empleyado kaya ipinag-utos ang lockdown at pag-test sa mga ito.

Kung mapatunayang may paglabag sa protocols, ipinapaubaya na ni Rosal sa Bicol Inter-Agency Task Force ang pagpapataw ng sanctions.