-- Advertisements --
image 348

Nangako ang gobyerno ng Vietnam ng patuloy na pag-export ng bigas sa Pilipinas sa kabila ng posibleng hamon dulot ng El Niño.

Ayon kay Vietnamese Ambassador to the Philippines Hoang Huy Chung, nananatiling isa sa mahahalang destinasyon ng Vietnam para sa rice exports ang Pilipinas.

Aniya, taun-taong nagi-export ang Vietnam ng bigas sa Pilipinas ng nasa 2 milyong tonelada at sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic nangako din aniya ang Vietnam na titiyakin nito ang seguridad sa bigas para sa Pilipinas.

Saad pa ng envoy na mayroong matatag na produksiyon ng bigas ang kanilang bansa kayat patuloy pa rin ang pagi-export nito sa Pilipinas kung kinakailangan.

Samantala, nagpahayag din ng interes ang Vietnam ng pagbubukas ng bilateral trade sa Pilipinas para sa sariwang tropical fruit products.

Ayon kay Vietnam Minister of Trade Nguyen Phuc Nam interesado ang kanilang bansa sa tropical fruits ng Pilipinas gaya ng mangga, durian at saging.

Bukas aniya ang Vietnam na tumanggap ng sariwang prutas na aangkatin mula sa Pilipinas sa isang kondisyon.

Ito ay pagpapahuintulot ng Pilipinas na bigyan ng permit ang food products ng Vietnam dahil tanging ang Pilipinas lamang kasi ang bansa sa ASEAN ang hindi nagbibigay ng import permit sa sariwang mga prutas at mga produktong karne mula sa Vietnam.

Sa panig naman ng DA- Bureau of Plant and Industry, bukas ito para sa pagpapalawig ng kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa hindi lamang sa mga commodities kundi maging sa teknolihiya.