Ipinag-utos ng Quezon city regional trial court sa state prosecutors na i-consolidate at muling ihain ang 35 kasong kriminal may kinalaman sa pagkasawi ng mga batang tinurukan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Mula kasi Hunyo hanggang Agosto 2023, naghain ang prosecutors ng 35 na magkakahiwalay na kaso ng reckless imprudence resulting to homicide at reckless imprudence resulting in serious physical injuries laban kina dating Health Secretary Janette Garin at 17 iba pang mga opisyal at doktor ng Department of Health.
Ang naturang kaso ay may kinalaman sa pagkasawi ng ilang mga bata na binakunahan ng Dengvaxia vaccine sa magkakaibang petsa at doses ng bakuna.
Sa 14 na pahinang desisyon ng korte, nakasaad na bagmat magkakaiba ang profiles ng mga menor de edad na mga biktima at magkakaiba ang lugar ng pagbabakuna, lahat naman aniya ng mga ito ay nag-ugat sa pagpapatupad ng dengue mass vaccination program para sa mga batang mag-aaral.
Pagdating naman sa hurisdiksiyon, ipinunto ng korte ang SC administrative Matter No. 20-06-20-MTCC na naglilipat sa mga kaso ng Dengvaxia sa Family court sa QC.
Nasa 5 naman mula sa 18 akusado ay naghain ng hiwalay na motions to quash na humihiling para sa pagbasura ng kaso na inihain laban sa kanila dahil sa mga sumusunod na grounds.
Una, ang Sandiganbayan umano at hindi ang naturang korte ang mayroong hurisdiksiyon sa kaso kung pagbabasehan ang salary grade ng akusado.
Ikalawa, iginiit ng mga akusado na dapat mayroon lamang isang kaso sa halip na 35 alinsunod sa Ivler doctrine on reckless imprudence cases.
Ikatlo ay ang paglabag umano sa kanilang karapatan para sa mabilis na paglilitis at panghuli, inihayag ng mga ito na wala ng buhay na minors ang nangangailanga ng special attention at proteksiyon mula sa family court dahil patay na aniya ang mga menor de edad bago pa man simula ang preliminary investigations.