Isang classified preliminary intelligence report mula sa US ang nagsabing hindi ganap na nawasak ang nuclear program ng Iran matapos ang pangbo-bomba ng Amerika, taliwas umano sa naunang pahayag ni U.S. President Donald Trump na naging matagumpay ang pagsira sa nuclear facility ng Iran.
Ayon sa naging ulat ng Defense Intelligence Agency, tatagal lamang ng ilang buwan ang pagkaantala sa nuclear program ng Iran, dahil hindi umano nasira ang mga underground facilities o lahat ng centrifuges at stockpile ng enriched uranium.
Kinumpirma ng White House ang authenticity ng ulat, ngunit tinawag ito ni Press Secretary Karline Leavitt na “flat-out wrong” at paninira lamang umano ito sa Pangulo at sa mga piloto ng US Air Force.
Matatandaang gumamit ang Amerika ng B-2 bombers at submarine-launched Tomahawk missiles sa pag-atake sa tatlong nuclear facilities ng Iran.
Una naring ipinahayag ni US General Dan Caine, na matinding pinsala ang idinulot ng operasyon.
Ayon naman sa Iran, handa na sila sa muling pagpapatuloy ng kanilang nuclear program, at nanindigang hindi pa tapos ang laban.