-- Advertisements --

Nakatakdang magsagawa ang Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ng audit sa lahat ng detention facilities ng PNP sa buong bansa.

Ito ang kinumpirma ni PNP-IAS Dir Gen. Leo Angelo Leuterio, matapos nilang matuklasan na matagal nang ginagamit ng Manila Police District-Station 1 ang kanilang tinaguriang “secret jail” dahil sa kakulangan ng espasyo para paglagyan ng mga detainee.

Ayon kay Leuterio, nais malaman ng IAS kung ang ganitong sitwasyon ay laganap din sa iba pang mga himpilan ng pulis sa buong Pilipinas.

Sa ginawang pagsisiyasat ng IAS, lumalabas na limang taon nang ginagamit ng MPD-Station 1 ang nasabing kuwarto mula nang ito ay magawa.

Inaalam aniya ng IAS kung talaga bang secret jail ang kuwarto dahil posibleng make-shift extension lamang ito ng kanilang regular na kulungan.

Paliwanag pa ni Leuterio na maaari namang gamitin ang anumang lugar sa isang presinto upang paglagyan ng mga preso.

Sa ngayon ay bina-validate na umano ng IAS ang mga nakuha nilang statement mula sa 11 preso na nakakulong sa secret jail.

Nauna nang nakausap ni PNP chief Pol. Dir. General Ronald dela Rosa ang mga preso, na pinasinungalingan ang mga alegasyon na sila ay minaltrato at kinikilan ng mga pulis Maynila habang sila ay nasa loob ng naturang secret jail.