-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Malacañang ang ginawang pag-atake ng apat na armadong kalalakihan sa isang printing office nitong Lunes ng umaga sa Parañaque City.

Ayon kay Presidential Spokeman Salvador Panelo, iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa naturang insidente.

Pinatitiyak din aniya ni Pangulong Duterte na mananagot kung sino man ang nasa likod nito.

Nabatid na puwersahang sinalakay ng mga suspek ang pahayagang Abante kung saan dalawa sa kanilang mga empleyado ang nasaktan.

Samantala, maging ilang kongresista ay inalmahan din ang pagsunog sa printing plant ng Abante News.

Sinabi ni House Deputy Minority leader and Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na ang naturang pangyayari ay pagtatangka para patahimikin ang media.

“We believe that this is another case of trying to silence the media in doing their job of exposing the anomalies, in and out of government. We strongly condemn this as we likewise condemn all attacks against the democratic rights of our people,” saad ni Zarate sa isang statement.

Para kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, hindi dapat umatras sa kanilang trabaho ang Abante at iba pang kagawad ng media kasunod ng pangyayari kundi ay dapat magkaisa sa pagsusulong sa karapatan ng taumbayan.

Umaapela naman si ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran sa Presidential Task Force for Media Security na bilisan ang ginagawang imbestigasyon sa insidente na maituturing “blatant attack” sa media.

“The perpetrators of this barbaric act must be apprehended and the masterminds identified,” ani Taduran. (with report from Bombo Dave Pasit)