-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Itinuturing na retaliatory attack ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Dawlah Islamiyah terrorist group ang ginawang pag-atake sa detachment ng CAFGU at sundalo sa Butalo Bridge, Barangay Butalo Datu salibo, Maguindanao Del Sur na nagresulta sa pagkamatay ng isang sundalo at pagkasugat naman ng isa pa.

Ito ang inihayag ni Col. Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade, Philippine Army sa interview ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang nasawing sundalo na si Corporal Allan Balena, taga Carmen North Cotabato na na-assigned sa 6th Infantry Batallion at nadeklarang killed in action matapos tamaan sa ulo habang ligtas naman ang isa pang sundalo na nasugatan na ginagamot na ngayon sa ospital.

Ayon kay Pangcog, tinamaan si Balena dahil nasa labas ito ng detachment at nakipagharapan sa mga nakaengkwentrong BIFF at Dawlah-Islamiyah.

Dagdag pa ng opisyal, dahil sa insidente maraming sibilyan ang pansamantalang lumikas upang hindi madamay at matamaan ng ligaw na bala.

Dagdag pa ng opisyal, tumagal ng higit sampung minuto ang palitan ng putok sa dalawang panig.

Tumakas naman ang nasa higit sampung terorista na nakaengkwentro ng mga sundalo.

Narekober naman pagkatapos ng engkwentro ang mga IED at Granada.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang operasyon ng militarylaban sa mga BIFF at Dawlah Islamiyah na nagsagawa ng harrashment sa nabanggit na detachment.