-- Advertisements --

Nanawagan si ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran sa Department of Health (DOH) na aprubahan na ang paggamit ng rapid testing kits sa gitna nang patuloy na pagtaas ng bilang ng nagpositibo sa COVID-19. 

Sinabi ni Taduran na sa oras na payagan na ng DOH ang paggamit ng rapid test kits maari na ring isunod ang pagsasagawa ng mass testing sa mga taong nakitaan ng sintomas ng COVID-19. 

Kasabay nito ay umaapela rin ang kongresista sa DOH na tulungan ang mga local government units na nagbabalak na magtayo ng kanilang sariling laboratoryo at testing areas. 

Iginiit ni Taduran na malaki ang naitulong nang mass testing para mapigilan ang mabilis na pagtaas ng COVID-19 cases sa South Korea. 

Sa pamamagitan ng mass testing ay naniniwala si Taduran na kaagad na matutukoy ng mga frontliners ang mga kailangan ma-isolate, at para maiwasan na rin ang pagkalat pa lalo ng virus.