Suportado ni Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio ang pag-alma ni Department of National Denfense (DND) Sec. Delfin Lorenzana kaugnay ng pagpatay ng Chinese vessel sa kanilang Automatic Identification System (AIS) sa tuwing dadaan sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Dahil dito ipinanukala ni Carpio na dapat i-require ng bansa ang pag-turn on ng AIS sa lahat ng warships sa tuwing dadaan ang mga ito sa territorial sea ng Pilipinas.
Sinabi ni Carpio na sana ay maging rule worldwide ang pag-turn on ng AIS dahil sa pamamagitan nito ay ine-exercize daw karapatan sa innocent passage.
Para kay Carpio kapag nakapatay ang AIS ay nangangahulugan lamang na may itinatago ang isang barkong naglalayag sa territorial sea ng bansa.
Una rito, umalma si Lorenzana sa ginagawang pagpatay ng mga Chinese vessel sa kanilang AIS sa tuwing dumadaan ang kanilang barko sa karagatan ng Pilipinas.
Ayon kay Lorenzana, hindi normal ang ginagawa ng China dahil ang protocol ay dapat ipaalam ng isang bansa ang kanilang aktibidad kapag papasok na ito s territorial water ng ibang bansa.
Una nang sinabi ng defense department na apat na beses nang dumadaan ang mga barko ng China sa Sibutu Strait mula pa noong buwan ng Pebrero ng kasalukuyang taon.
Giit ni Lorenzana, wala namang problema sa pagdaan ng mga Chinese vessel sa teritoryo ng bansa basta’t wala itong gagawin na iligal.