DAVAO CITY – Binigyang linaw ni Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte kung bakit tinanggal nila sa kanilang listahan ang dalawang kilalang konsehal sa lungsod.
Ayon kay Baste, ang pagkakaalis sa listahan nina Pamela Librado-Morata at Nilo “Small” Abellera Jr., ay dahil sa magkaibang pananaw ng mga ito sa partido lalo na sa ikabubuti ng bansa at sa lungsod.
Kung maalala, parehong binawian ng certificate of nomination and acceptance ng Hugpong ng Pagbabago at Hugpong sa Tawong Lungsod ang dalawa kaya nagdesisyon na lamang si Librado-Morata na hindi na kakandidato sa eleksyon sa susunod na taon.
Una nang nanawagan ang labor group kay Konsehal Librado-Morata na ipagpatuloy ang kanyang kandidatura sa kabila ng sinapit para maipagpatuloy din nito ang “boses” ng mga urban poor sa siyudad.
Nabatid na kilalang mga politiko ang pamilya Librado sa lungsod kung saan ang mga magulang nito ay kapwa naglingkod bilang City Councilors sa loob ng mahabang panahon na kapartido rin ni dating mayor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala si Abellera naman ay isa sa malapit na kaibigan ni Paulo “Pulong” Duterte at kabilang sa mga ipinatawag noon sa isinagawang pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee. Ito’y matapos masangkot sa sinasabing “Davao group” na nakikiaalam diumano sa operasyon sa Bureau of Customs at nakatanggap ng milyong halaga.