-- Advertisements --
teodoro

Kailangan munang pag-aralang mabuti ang panukalang iakyat sa United Nations General Assembly (UNGA) ang girian sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Ayon kay Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro kailangang maging malinaw kung makakatulong ba ito sa Pilipinas.

Isa sa mga dapat ikunsidera aniya ay kung ano ang magiging aksyon na gagawin ng UNGA kaugnay sa nasabing girian.

Paliwanag ng kalihim na kung iaakyat ang nasabing problema sa lebel ng UNGA, kailangan itong maaprubahan muna ng UN Security Council kung saaan bahala nang magdesisyon ang limang permanenteng miyembro nito.

Ito ay kinabibilangan ng United States, Russian Federation, France, United Kingdom, at ang mismong kaagaw ng Pilipinas na China.

Maaring aprubahan ito aniya o ibasura lamang ng Konseho.

Ginawa ng kalihim ang nasabing pahayag, kasunod ng panukala ng Senado na bumuo ang pamahalaan ng isang resolusyon at hilingin sa UNGA na patigilin na ang panghaharas ng China sa mga Pilipinong nagagawi sa West Philippine Sea.