Magdadagdag pa ng participants ang Department of Science and Technology (DOST) para sa ginagawa nitong pag-aaral sa virgin coconut oil (VCO) laban sa coronavirus disease.
Nakiusap umano ang ahensya sa Philippine General Hospital (PGH) na isama sa pag-aaralang mga COVID-19 patients na may underlying health problems tulad ng mataas na lebel ng cholesterol.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña, kailangang piliin ng nasabing ospital kung anong comorbidities ang kanilang isasali dahil ayaw naman ng ahensya na magkaroon ng masamang epekto ito sa mga participants.
Una nang sinabi ni Prof. Fabian Dayrit mula Ateneo de Manila University – School of Science and Engineering chemistry department, na mayroong antiviral properties ang VCO na mula sa fresh coconut meat.
Nagbigay naman ang grupo ni Dr. Jose Mondejar, medical director ng Equilibrium Integrative Health Clinic, ng VCO sa 69 na residente ng Sitio Luz, Barangay Zapatera, kung saan naitala ang unang COVID-19 patients sa Cebu City noong Abril.
Bawat isa ay nagti-take ng isang kutsara ng VCO dalawang beses sa isang araw na kalaunan ay ginawang tatlong beses kada araw.
Sa loob lamang ng dalawang linggo, 45 sa 69 na pasyente ang nag-negatibo sa sa COVID-19 habang 24 naman ang hindi nakaranas ng malalang sintomas ng sakit.