Nilinaw ni Agriculture Sec. William Dar na hindi ihihinto ang pag-aangkat ng bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law (RTL).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Dar na matapos niyang makausap si Pangulong Rodrigo Duterte ay wala naman daw itong direktiba sa kanya na ihinto ang pag-aangkat ng bigas dahil maayos naman na naipapatupad ang batas.
Iginiit ng kalihim na ang target lamang ng patuloy na pag-aangkat ay ang matiyak na mayroong sapat na supply ng bigas ang bansa.
Ayon kay Dar, sa pagtatapos ng taong kasalukuyan, inaasahang aabot sa 18.48 million metric tons ang domestic palay production o katumbas ng 12.09 million metric tons ng milled rice.
Ito ay 85% lamang aniya ng 14.24 million metric tons na kailangan ng bansa kada taon.
Ang nalalabing requirements na kailangan ng bansa ay matutugunan sa pamamagitan nang pag-aangkat ng bigas.
Gayunman, para maprotektahan ang mga lokal na magsasaka, sinabi ni Dar na magpapatupad ang Department of Agriculture ng mas istriktong guidelines sa paglalabas ng sanitary and phytosanitary import clearances lalo na tuwing harvest season.