-- Advertisements --

Nagbabala si Senate committee on economic affairs chairperson Sen. Imee Marcos sa gobyerno na may malalabag na batas kapag itinuloy ang importasyon ng 200,000 metriko-toneladang asukal na labag sa utos ng dalawang korte.

Sinabi ng mambabatas na naglabas ng Memorandum Circular No. 11 ang Sugar Regulatory Administration (SRA) nitong nakaraang Martes para sa aplikasyon ng importasyon ng asukal.

Direktang inatasan ng Sagay court noong Pebrero ang SRA na panatilihin ang suspensyon sa pag-import ng asukal hanggang maresolba ang kaso maliban na lang kung una na itong inalis.

Dagdag pa ng senadora na ang pagtatanggal ng SRA sa Western Visayas sa listahan ng mga pwedeng mag-import ay isang paraan lamang ng pag-iwas sa utos ng dalawang korte mula sa rehiyon.

Nagpapatuloy ngayon ang mga pagdinig sa korte para resolbahin ang hindi pagkakasundo sa pagitan ng gobyerno at dalawang nangungunang grupo ng mga sugar planter na humingi ng mga TRO – partikular na ang United Sugar Producers Federation (Unifed) at Rural Sugar Planters Association Inc.”

Inihayag ng Unifed sa tanggapan ni Marcos na magsasampa sila ng kaso laban kay Agriculture Sec. William Dar at SRA chief Hermenegildo Serafica dahil sa “contempt of court” o pagsuway sa korte.

Una nang inihayag ng naturang mga opisyal gobyerno na posibleng magkaroon ng kakapusan ng asukal sa huling bahagi ng taon dahil sa pinsalang dulot ng bagyong Odette noong Disyembre, kahit pa kumpyansa ang mga sugar planter na kaya naman nilang tugunan ang pangangailangan ng bansa sa asukal.