(3rd Update) Kinumpirma ng Department of National Defense (DND) na 17 bangkay na ang narekober matapos bumagsak ang C-130 aircraft sa Patikul, Sulu, bago magtanghali kanina.
Ayon kay DND Secretary Delfin Lorenzana, 92 personnel ang sakay ng nasabing aircraft kung saan tatlo ang piloto, lima ang crew at ang iba ay mga Army personnel na magre-report na sana sa kanilang duty.
“So far 40 wounded and injured and 17 bodies recovered. Rescue and recovery is on going,” ani Lorenzana.
Sa panig ni Western Mindanao Command commander Lt. Gen. Corleto Vinluan, nasa 49 pa na sundalo ang “unaccounted” habang may apat na sibilyan ang sugatan at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Una nang sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Cirilito Sobejana na bandang alas-11:30 ng umaga nang bumagsak ang isang C-130 cargo plane ng Philippine Air Force (PAF) sa Barangay Bangkal, Patikul.
“It’s very unfortunate Anne, at 11:30 am today our C130 had crashed in Barangay Bangkal, Patikul, Sulu. We are currently doing our best efforts to rescue the passengers and crews,” mensahe na ipinadala ni AFP chief Sobejana sa Bombo Radyo.
Ayon kay Sobejana, galing sa Cagayan de Oro ang naturang cargo plane kung saan sakay ang mga tropa na idi-deploy sa probinsiya ng Sulu nang ma-miss daw nito ang runway at nais i-regain ang kaniyang power pero hindi nakayanan kaya tuluyang bumagsak .
“Na-miss niya yung runway trying to regain power, at hindi nakayanan bumagsak doon sa may bangka,” dagdag pa ni Sobejana.
Kaagad namang naapula ang apoy at nailigtas ang 40 pasahero na isinugod sa 11th Infantry Division hospital sa Busbus, Jolo, Sulu.
Pinangungunahan ni Joint Task Force Sulu commander M/Gen. William Gonzales ang patuloy na rescue operations sa mga pasahero at crew ng bumagsak na C-130 plane.