KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang search, rescue at retrieval operation sa missing na padre de pamilya na inanod ng tubig-baha sa Barangay San Miguel, Norala, South Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni MDRRMO Aiza Lin sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Korondal.
Ayon kay Lin, pangatlong araw na ngayon simula nang malunod at inanod ng tubig-baha ang mag-amang Prudencio, 55-anyos at Divine Grace Moreno, 14-anyos ngunit ang anak pa lamang nito ang natagpuan na wala ng buhay.
Sa ngayon nasa halos 200 ektarya ng pananim na palay at mais ang sinira ng baha mula sa 6 na barangay sa kanilang bayan.
Samantala, ayon naman sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng Banga, nakapagtala ang mga ito ng 4.85 na ektarya ng mga pananim na mais ang nasira, 215 na ektarya naman ng palay kung saan 342 na mga magsasaka ang naapektuhan at halos 500 pamilya na apektado.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng mga nabanggit na bayan kung isasailalim sa state of calamity ang mga ito.