Tapos na ang anim na linggong training camp ni boxing champ Manny Pacquiao para sa kaabang-abang na laban nito sa susunod na linggo.
Kahapon, apat na rounds ang ginugol ng tinaguriang fighting senator sa sparring session nito kay Abrahan Lopez.
Kinailangan ni Pacquiao ang presensya ni Lopez matapos na hindi natuloy ang laban ng Pinoy boxer kontra Errol Spence Jr., na isang southpaw.
Sa halip na si Spence, ang makakalaban ng Filipino icon ang orthodox fighter na si Yurdenis Ugas sa T-Mobile Arena sa Las Vegas sa darating na Linggo, Agosto 22 (araw sa Pilipinas).
Ayon kay Lopez, maganda ang kondisyon ni Pacquiao sa ngayon sapagkat napanatili pa rin nito ang kanyang bilis, timing, at persistence.
Walang kupas din aniya ang magandang footwork ni Pacquiao — bagay na makakatulong sa kanya laban sa mas mabagal na si Ugas.
Samantala, tiwala naman si coach Freddie Roach na sasapitin ni Ugas ang kapalaran ni Kieth Thurman, na tinalo ni Pacquiao noong 2019.
Hindi aniya kakayanin ni Ugas ang bilis ni Pacquiao kahit pa 42-anyos na ito sa ngayon.