NAGA CITY – Arestado ang isang lalaki na magde-deliver sana ng mga marijuana sa Bicol.

Nahuli ang suspek na si Vincent Miguel Salongga na mula sa San Francisco, Gen. Trias, Cavite City, sa anti-illegal drug operations ng mga otoridad sa Barangay San Roque Pobacion, Bula, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Cpl. Giovanni Balden, tagapagsalita ng Bula-Philippine National Police, sinabi nitong narekober sa suspek ang apat na bloke ng marijuana na nasa dalawang kilo ang bigat at tinatayang mahigit P200,000 ang halaga.

Ayon kay Balden, mayroon pang nakalagay na markings sa marijuana na “for Bicol.”

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek na haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.